Thursday, September 14, 2017

Para Maging Fulltime Breeder


Para sa iba, ang pagmamanok ay isa lamang libangan dahil nakatatanggal ito ng pagod at pagkainip. Nakabubuti rin ito sa kalusugan dahil laging maganda ang pakiramdam. Kahit nga medyo may edad na basta’t nagmamanok ay medyo malakas pa kumpara sa matatanda na nakapirme lang palagi sa bahay. Nagsisilbi kasing ehersisyo ang pagmamanok.

Pero mayroon ding mga magmamanok na ginawa na itong kabuhayan kabilang na rito ang mga tinatawag natin na ‘fulltime breeder’.  Totoo na sa manok ay puwede ka nang mabuhay o makabuhay ng pamilya. Bakit hindi, napaka-indemand ng sabong sa ngayon. Itinuturing nga ito na bilyong industriya. Kaya’t ang makasambot ka lang sa merkado ng sabong ay napakalaki ng bagay. Biruin mo ilang mga manok ang inilalaban sa sabungan kada araw? Siyempre, kailangan ng mga sabungero ng materyales o panlaban. Saan pa ba sila kukuha kundi doon sa mga commercial breeder?

Napakaraming fulltime breeder ngayon sa Pilipinas kabilang na r’yan sina Biboy Enriquez ng Firebird Gamefarm, Baby Canillas ng Spanichi Gamefarm, Mike Mendoza ng 4 Lines Gamefarm at iba pa. Ang iba sa mga breeder ay nag-fulltime pagkatapos nilang magretiro sa kanilang propesyon. Hilig naman nila ang pagmamanok kaya’t ano pa ba ang gagawin nila para mag-breed? Mayroon din naman na ito na talaga ang napili nilang negosyo dahil kabisado na nila ang kalakaran sa industriya ng sabong. Bata pa lang ay talagang hilig na nila ang pagmamanok. Iba raw kasi ang ibinibigay na pakiramdam nito sa kanila. Kaya’t ito na lang din ang hanapbuhay na kanilang napili. Naglilibang ka na ay kumikita ka pa. ‘Di ba’t napakasarap ng buhay kapag ganito?

Siyempre, ‘di rin naman basta ganun-ganun na lang kapag gusto mong mag-fulltime sa pagpapalahi ng manok. Ayon na rin sa aming mga nakausap na fulltime breeder. Kinakailangan na mayroon kang sapat na pondo na pang-maintain sa iyong farm kabilang na ang bayad sa mga tauhan. ‘Di ka rin naman kasi basta-basta kikita agad. Tulad din ito ng ibang negosyo kung saan ay kailangan mong mag-invest. Kailangan mo ring maglalaban para makita ng mga tao ang performance ng iyong mga manok. Kapag nagpapanalo ka, asahan mo na ang mga buyer na ang kusang lalapit sa iyo dahil nagalingan sila sa mga manok mo.

Ilan sa mga fulltime breeder ay nagkaroon muna sila ng pangalan bago naisipan na ituon ang buong atensyon sa pagmamanok. Mas naibibenta nila ang kanilang manok sa mas magandang presyo. Kumbaga, sa produkto ay branded ang dating nila. Gusto mong bilhin dahil sa tatak o pangalan kasi sigurado ka na may quality ito. Pero kahit ‘di naman sikat ay puwedeng-puwedeng mag-fulltime basta’t marami kang kuneksyon o mga nagtitiwala sa bloodlines mo.

Ang iba sa kanila ay nagsasali rin kapag may gamefowl expo. Siyempre, kung nasaan ang mga mamimili andun din sila dapat. Hindi rin mawawala ang pagbibenta sa pamamagitan ng online partikular na sa Facebook. Maging maingat nga lang sa pagbili sa online dahil maraming nanggagamit ng pangalan ng may pangalan sa social media. Mas maganda pa rin ang personal na bumisita sa farm ng breeder para personal na makapamili. Mayroon kasing mga nagrireklamo na ‘di nila nagustuhan ang ipinadalang manok ng breeder. Hassle ito sa magkabilang panig.

Ikaw kasabong, may balak ka rin bang maging fulltime breeder o tama na sa iyo na gawing libangan lang ang pagmamanok o pagsasabong? Kung ikaw man ay isang fulltime breeder na, hanga kami sa iyo dahil nagawa mong hanapbuhay ang dati-rati ay libangan mo lang.


Sponsor

Recent Posts