Thursday, September 21, 2017

Osang Dela Cruz: Tagumpay sa Sabong

Si Osang kasama ang mga tauhan sa farm
Kung mayroon mang babae na tinitingila sa mundo ng sabong, ito ay walang iba kundi si Josefina ‘Osang’ Dela Cruz. Tinagurian kasi siyang reyna ng sabong sa Pilipinas dahil sa husay niyang magmanok. Kapag sinabing ‘Osang’  iba na ang dating sa mga sabungero. Kumbaga, ang kanyang pangalan ay nakatatak na sa mundo ng sabong dito sa atin.

Ilan lang sa kanyang titulo na nakuha ay ang pagiging RGBA Breeder of the Year noong 2007, PCAP of the Year noong 2008 at NCA Cocker of the Year noong 2016. Naging kampeon na rin siya sa Candelaria International Derby kasama si Charlie Cruz ng Candice Jean Gamefarm. Bukod sa mga nabanggit ay napakarami na niyang kampeonatong nakuha.

Sinasabing si Osang ang nagbukas ng pintuan ng sabong para sa kababaihan. Ang kanyang yapak ang gusto nilang sundan. Kaya naman iniidolo siya ng mga sabungera tulad nina Robie Yu Panis at Rhona Bullecer na bagama’t isang OFW, kapag nasa bansa siya ay aktibo siya sa pagpapalaban at isa na ring derby promoter.

Para kay Osang, bilang isang babae ay mabusisi siya sa mga bagay-bagay at nadala niya ito hanggang sa pagmamanok. Kapag babae raw kasi ay mas magaan ang kamay at maganda ang hipo sa manok. Pero ‘di naman nangangahulugan na mas lamang na ang babae o lalaki sa pagmamanok. Pareho lang. Nasa pagpili lang ito ng manok. Ang  sa kanya lang ay huwag mamaliitin ang gaya niyang sabungera dahil manok lang naman ang naglalaban dito at hindi mismong mga tao. Isa rin siya sa naniniwala na nakasalalay sa tamang pagkukundisyon at pag-aalaga ng manok ang susi para manalo sa sabong.

Kung inaakala ng iba na mabagsik si Osang dahil parang barako siya dahil nga nagsasabong. Hanggang sabungan lang ang ganito niyang imahe. Dahil sa totoo lang ay napakabait niya at marunong makihalubilo sa mga tao. Sa pamilya, naman isa rin siyang tipikal na nanay na mapagkalinga sa mga anak. Pagdating sa kanyang mga tauhan sa farm, bagama’t mabusisi ay marunong din siyang makinig. Hinahayaan niya ang kanyang mga tao sa kanilang diskarte. Pero sa oras na magkamali, marunong din siyang manita at magbigay ng leksyon.

Ilan lang sa bumubuo na bloodlines sa kanyang manukan na kung tawagin ay Goldquest Champions Gamefarm ay ang Mel Sims, Sweater, Kelso, Brazilian Gold at iba pa. Ang kanyang farm ay matatagpuan sa Antipolo bagama’t ‘di kalakihan ay puro de kalidad naman na mga manok ang naroon.


Nagpapalahi ng manok si Osang, pero mas aktibo siya sa paglalaban. Kaya’t mas gusto niya na tawagin siyang fighter kaysa breeder. Pero siyempre, kahit fighter ‘di maikakaila na marunong talaga siyang tumingin ng ng manok at ito ang nagdala sa kanya sa tagumpay sa larangan ng sabong!

Sponsor

Recent Posts