Friday, September 15, 2017

Labanan ng Mga Bantam


           Naranasan mo na bang sumali o makapanuod ng Bantam derby? Talaga namang kakaiba ang ganitong uri ng labanan. Mantakin mo, ang maliliit at ang cute na mga manok ay ang tatapang. Kung titingnan mo kasi sila ay parang harmless. Kumbaga sa tao ay parang ‘di makabasag pinggan. Para kasing mahihina lang dahil na rin sa kanilang maliit na sukat. Pero please lang, huwag natin silang ikumpara sa malalaking manok. Dahil kung ilalaban mo sila sa malalaki ay talagang no match sila. Parang David at Goliath lang ang maglalaban. Kaya’t mas maganda kung bantam sa bantam lang ang paglabanin. Kung baga sa boxing hindi puwedeng paglabanin ang hindi magkatimbang.

            Muli, kung ikukumpara ang Bantam derby, para itong away ng mga bata. Maganda na rin ito dahil mayroong twist sa game fowl industry. Noong una kong makapanood ng ganitong klase ng derby ay talagang namangha ako. Iba ito sa mga derby na akin nang nadaluhan. Siyempre, mas mababa ang kanilang timbang at mas maliit ang taring ginagamit sa mga ito. Kung malabo ang paningin mo ay hindi mo ito gaanong mapapansin. Hindi kagaya sa normal na derby na long gaff ang ginagamit. Kahit na sa malayo ka ay makikita mo ang tari na kumikislap-kislap pa. Medyo wala namang kaibahan ang Bantam chicken sa malalaking manok maliban sa kanilang sukat. Pareho lang ng sistema sa laban. Kung sino ang ‘di na makatayo o tuluyang nanakbo ay ‘yun ang talo.

            Sa obserbasyon ko, ang mga bantam chicken ay hindi kasing tapang ng malalaking manok. Parang wala silang instinct na patayin ang kanilang kalaban. Ang ilan pa nga sa kanila ay nananakbo sa gitna ng laban. May oras na matatawa ka dahil sa karuwagan ng ibang bantam. Kaya nagsisilbing hamon para sa mga breeder kung paano nila papatapangin ang kanilang mga Bantam. Pero siyempre, mayroon din namang malalakas at handa talagang makipagsalpukan hanggang sa huling hininga. Angkop na angkop ang kasabihang ‘small but terible’ Maaaring ang pinanggalingan nilang bloodline ay talagang nakapakatapang. Ang ibang breeder, ini-infuse nila ang Bantam sa Hatch, Sweater, Lemon at iba pang bloodline na sa tingin nila ay babagay sa isa’t isa.
 
Julz Lacap ng War Machine GF

            Ayon sa ilang nakausap ko na Bantam breeder katulad na lamang ni Julz Lacap ng War Machine at nakabase sa Laguna, mas pinagtutuunan nila ng pansin ang pagpapalahi ng ganitong uri ng manok dahil gusto nilang maging popular dito. Mahirap na raw kasing makagawa pa ng pangalan sa mga normal na derby dahil talagang napakahigpit na ng kumpetisyon. Samantalang sa Bantam derby, hindi pa ito masyadong kalat. Dito sa Pilipinas, patok ito sa Pampanga, Tarlac at ilang karatig probinsya. Katunayan, mayroon pang mga asosasyon na nakalaan para sa mga bantam breeders.

            Ang istorya ng Bantam ay katibayan lamang na size doesn’t matter sa sabong. Kung ia-apply natin ito sa buhay natin, anuman ang katayuan natin sa lipunan, maaari tayong maging competitive sa anumang aspeto o larangang ating napili. Kung kayang gawin ng ibang tao ay kaya rin natin itong gawin. Huwag matakot kung gaano man kalaki ang kakaharaping pagsubok. Kung baga sa literal na labanan ay ‘walang malaking nakapupuwing.’

Sponsor

Recent Posts