Sunday, August 20, 2017

Lawrence Almerol: Diskarte ng Isang Freelance Kristo


Ang pagki-kristo kung titingnan mo ay parang mahirap dahil kinakailangan ng talas ng mata at bilis ng utak. Pero kapag pinag-aralan mo naman ay nagiging madali. Ito ang sinabi ni Lawrence Almirol, isang freelance kristo nang kapanayamin siya ng Sabong Ngayon.

Siyempre, kapag kristo ka kinakailangan ay magaling kang magkuwenta o kabisado mo na ang mga logrohan. Saka dapat ay natatandaan mo rin kung sino ang mga kapustahan mo para ‘di sumabit sa amo.

Haiskul pa lang si Lawrence nang matutunan niya ang pagki-kristo. Madalas kasi siyang isama ng sabungero niyang tiyuhin sa mga tupa-tupada. Medyo may edad na rin ang kanyang tiyo kung kaya’t siya na ang pinapapusta nito. Ito mismo ang nagturo sa kanya kung paano ang mag-kristo.

Ano nga ba ang pinagkaiba ng in-house kristo at ng isang freelancer na gaya ni Lawrence? Kapag in-house raw, kapag may palaban ang sabungan ay obligado kang pumunta. Nagbibigay din sila ng butaw o ‘yung perang ibinibigay para sa samahan ng mga kristo. Para kapag may nagkasakit sa mga miyembro ay matutulungan sila. Siyempre, kapag freelancer ay bahala ka na sa diskarte mo. Sabi niya, “Di lang naman pagki-kristo ang inaasikaso ko, nag-aalaga rin ako ng mga manok”.

Bilang isang freelancer, iba-iba ang amo ni Lawrence. Kung saan-saan siyang sabungan napapadpad depende kung saan siya yayain ng kanyang amo. Para magtagal sa ganitong trabaho, kinakailangan diumano na maging loyal sa iyong amo para maging maganda at magtagal ang inyong samahan. “Maging transparent ka lang lagi sa amo mo,” giit niya.

Minsan, napapadayo sa malalayong lugar si Lawrence gaya nang mapadayo sila ng kanyang amo sa Tacloban. Baliktad diumano doon ang logrohan. Ang dinigiga mo sa kanila ay mismong capital mo na. “Halimbawa, kung dito sa atin sasahod ka sa diyes ng apat na libo, tatama ka ng apat na libo. Doon sa kanila, limang libo ang sasahurin mo sa diyes, tatama ka ng apat na libo,” isplika niya. Kapag ‘di na niya alam ang kalakaran sa isang lugar ay sinasabi niya sa kanyang amo na maghanap na lang sila ng ibang kristo. Mahirap na kasi ang mapasubo pa. Nauunawaan naman siya ng kanyang amo basta’t ang importante ay kasama siya. Kampante na kasi ang kanyang amo sa kanya.

Sinabi ni Lawrence na sa pagki-kristo ay walang fix rate. Aniya, “Depede sa amo ‘yan, kapag nanalo ang amo meron ka rin. Minsan may mga amo naman na galante. Nakikita nila ang pagod mo, bibigyan ka pa rin. Kahit paano ‘di ka mawawalan”.

Dahil sa trabahong ito ni Lawrence ay naitataguyod niya ang kanyang pamilya. Kapag kumita ay nakakapag-uwi siya ng maganda-gandang pera. Nabibigyan niya ang kanyang asawa’t mga anak. Kahit kumain pa sila sa labas ay walang problema. Kumbaga, nagiging masaya ang kanyang pamilya. Tatlo ang mga anak ni Lawrence. Ayos lang sa kanya kung mayroon sa mga ito ang sumunod sa kanyang yapak. Wala naman daw kasing masama sa kanyang trabaho.










Sponsor

Recent Posts