Thursday, August 24, 2017

Janine Gonzalez: Kaligayahan, Passion at Negosyo sa Manok

Larawan mula sa Fb account ni Janine Gonzales

Sa ngayon ay sikat na sikat ang gamefowl breeder/cocker na si Janine Gonzales, 26-taong gulang ng Davao at Bislig City. Paano ba naman kasi ay napakalakas ng kanyang karisma. Pero alam n’yo ba na ‘di lang basta hilig ang pagmamanok para sa kanya kundi ginawa na rin niya itong negosyo?

Ayon sa kanya, noong una ay bumibili lang siya ng manok na ilalaban. Nagsimula ito nang parating naiimbitahan na sumali sa sabong ang kanyang ama na si Leo ng mga kaibigan nitong pulitiko. Isang araw diumano ay binisita sila ng isang kaibigan sa kanilang farm sa Bislig at napansin nito na ang kanilang mga manok ay ‘lasaw’ sa salitang Bisaya na ang ibig sabihin ay pangit. Ito ang nagtulak sa kanya para magsaliksik at mag-invest sa magagandang klase ng manok sa pamamagitan na rin ng kanyang kuneksyon.

Ang kanilang bloodlines ay binubuo ng Gray, Blues, Sweater, Hatch, Roundhead at Kelso. Nakakuha rin sila ng mga imported na mga breeding material mula sa mga Amerikanong breeder. Simula noon ang kanyang hilig sa manok ay lalong tumindi.

Hindi naman naging mahirap ang pagbi-breed at pagsasabong para kay Janine. Nakikita niya na ito lamang ay isang sport para sa lahat anuman ang iyong kasarian kung saan ay manok lang ang naglalaban at nais talunin ang isa’t isa.

Para sa kanya, sa sabong basta’t ang manok ay naikundisyon nang tama maaari tayong manalo at maging mahusay na manlalaro anuman ang ating kasarian. Kaya’t sa lahat ng kababaihan na nais subukan ang pagbi-breed at pagsasabong ay ituloy lang ito. Sa palagay niya ay dumarami na ang mga babae na pumapasok sa larangan ng sabong. Huwag diumanong mahihiya kung ito ang magpapaligaya sa iyo bagkus ay ipagmalaki mo ito dahil ito ang iyong passion.

Sinabi ni Janine na bago matapos ang araw lagi nating tatandaan ang pinakaimportante sa lahat. Dapat ay alam natin kung paano natin kukontrolin ang ating pagsusugal. Hindi lamang ang manok o ang sabong ang dapat nating ingatan o pahalagahan. Dapat lagi nating unahin ang pamilya at ang ating mga tauhan. Kung kampeon diumano tayo sa manok dapat ay mas maging kampeon tayo sa ating pamilya at mga kaibigan.

Sa huli ay pinasasalamatan ni Janine ang kanyang mapagmahal na mga magulang, mga kaibigan sa sabong, LDI, mga taga-suporta at followers na laging nariyan para sa kanya. Siyempre, ‘di niya rin kinakalimutang pasalamatan ang kanyang mga buyer sa patuloy na pagtitiwala sa kanyang mga manok.

Katulad ni Janine, nais niyang hayaan natin na ang hilig natin sa manok ay ating maging kaligayahan, passion at saka gawing negosyo.


Sponsor

Recent Posts