Friday, August 4, 2017

Dicky Lim: Sabungerong Cool na Cool


Kung mayroon kang makikita sa sabungan na swabeng-swabe kung pumorma, marahil ay si Dicky Lim ng El Nido Gamefarm na ‘yun. Kung titingnan mo kasi kung tumindig ay napakakisig. Ang suot ay long sleeve na polo shirt at nakatupi pa ang laylayan. Pagkatapos ang buhok ay parang plantsadong-plantsado na tila ba isang binata na aakyat ng ligaw o 'di-kaya'y napaka-disente o eleganteng tingnan.  Dahil sa kanyang porma ay natagurian pa siyang Mr. Cool ng sabong sa Pilipinas.

Tinawag din siya na Mr. Cool dahil napaka-relax lang niya kapag siya ay nagsasabong. Hindi mo siya makikitaan ng anumang negatibong emosyon. Naniniwala kasi siya na kapag nagpaka-negatibo ka ay maaari itong mailipat sa iyong manok.

Pero hindi sumikat si Dicky Lim dahil lang sa kanyang porma, kundi dahil mahuhusay talaga ang kanyang mga manok. Nakilala siya dahil sa kanyang manok na Sweater at Lemon.

Nagsimulang mahilig sa manok si Dicky Lim noong siya ay walo o siyam na taong gulang pa lang. Nilalagyan pa nga raw niya ang manok ng alambre na kunwari ay tari saka niya ilalaban sa isa pang manok. Nang nasa Maynila na at nagsimula na siyang magsabong, isa siya sa mga lumalaban ng hackfights sa La Loma. Bumibili lang siya ng manok na nasa bayong. Noon ay uso pa ang mga manok na kung tawagin ay Balulang. Nanunuod at sumasali rin siya sa mga tupada sa ibang lugar. Magagaling din naman diumano ang mga manok noong araw. Pero siyempre, iba na ngayon dahil mas maalam na ang mga magmamanok. Dahil bukod sa marami nang pagkukunan ng materyales ay nagkalat na ang impormasyon tungkol sa pagmamanok sa kung saan-saan.

Nang magsimulang mag-angkat ng mga manok sa Bacolod si Dicky ay doon na nagsimulang umusbong ang kanyang career sa pagmamanok. Nakakuha siya ng manok mula kina Mayor Nonoy Jalandoni, Mayor Juancho Aguirre, Bob Cuenca, Nene Abello at iba pa. Doon na nagsimula na magsasali siya sa mga big event at nakatatapat niya ang mga big boys noon sa sabong.

Naging signature line niya ang Lemon simula pa lang noong dekada ’70. Dinibelop niya ito nang husto at inihahalo sa kanyang mga battle crosses kabilang na ang Sweater at Kelso. Ito ang naghatid sa kanya nang ‘di mabilang na panalo. Tatlong beses na siyang naitanghal na kampeon sa World Slasher Cup. Ito ay noong taong 2002, 2006 at 2013. Hanggang ngayon ay aktibo pa rin siya sa pagsali sa nasabing prestihiyosong derby.

Hindi lang naman ang Lemon ang napapakilos nang maganda ni Dicky kundi pati na rin ang iba pang klase ng bloodline. Sa palagay niya ay marunong lang siyang tumingin ng manok kaya niya ito naipapanalo. Naniniwala siya na malaking bagay kapag matagal ka na sabong dahil marami ka nang karanasan. Kumbaga, sanay na sanay ka na sa ginagawa mo.

Nito lang taon ay napabalitang naospital si Dicky matapos na matamaan ng tari ng sariling manok. Pero ‘di ito dahilan para itigil niya ang kanyang pagmamanok. Mayroon pa nga siyang picture na ipinaskil sa Facebook kung saan ay cool na cool pa rin siya kahit nakahiga sa kama ng ospital. Kaya’t asahan lang natin na patuloy pa rin nating makikita siyang namamayagpag sa larangan ng sabong.  

Si Dicky Lim kasama sina Lancey Dela Torre, Joey Sy at ilang taga-hanga (FIESTAG 2016)



Sponsor

Recent Posts