Monday, July 17, 2017

Husay ng Lemon Bloodline

Larawan mula sa sabong.net.ph
Ang Lemon ang isa sa itinuturing na luma o mga naunang linyada na sumikat sa Pilipinas. Sinasabing dinala ito ng Amerikanong si  Duke Hulsey sa bansa nang minsan imbitahan ito ni Don Amado Araneta na magpunta sa atin para lumaban sa international derby na mismong ang mga Araneta ang nag-organisa.

Tinawag ito na Lemon dahil na rin sa kulay nito na mala-ponkan. Pero alam n’yo ba mga kasabong na sa Amerika,  hindi nila ito tinatawag na Lemon kundi Hulsey?

Base sa mga tala ang Lemon ay binubuo ng mga kompisisyon ng dugo ng Hatch, Butcher at Claret. Ang Lemon ay mababa lang ang sukat at ‘di masyadong mapula ang mata. Para tumaas ang sukat at pumula ang mata nito ay kailangan itong ihalo sa ibang bloodline.  Maganda raw itong i-cross sa Roundhead, Kelso, Sweater at iba pa. Pero depende na rin ito sa breeder kung saan ang line tutugma o magiging maganda ang kalalabasan.

Ang problema lang sa Lemon ay single stronger ito. Kapag may nakaharap na kalaban na masipag mamalo, tiyak na mahihirapan itong manalo. Kaya’t mainam na i-cross ang Lemon sa manok na multiple shuffler para mag-iba ang laro nito. Sinasabi rin ng ibang Lemon breeder na kapag bata pa ang manok na ito ay bara-bara lumaro. Pero habang gumugulang ay gumagaling ito.

Ilan lang sa mga sumikat na Lemon breeder sa Pilipinas ay sina Paeng Araneta, Mayor Juancho Aguirre at iba pa.

Ang Lemon 84 ni Paeng Araneta ay nakuha niya mula sa mag-amang sina Don Amado at Jorge “Nene” Araneta. Galing ito sa full brother na straight comb at peacomb. Tinawag ito na Lemon 84 dahil sa leg band number na nakalagay sa manok. Marami ang humanga noon kay Paeng dahil magaling maglaro ang kanyang Lemon. Magaling kasi itong tumiyempo sa kalaban at magaling din pagdating sa cutting.

Samantalang si Mayor Juancho Aguirre naman ay nakilala dahil sa kanyang Lemon Gwapo. Tinawag ito na guwapo dahil na rin sa maganda nitong hitsura na siyang kadalasang hinahanap ng mga sabungero sa isang manok. Nanggaling ang manok niyang ito sa namayapa na niyang kaibigan na si Mayor Nonoy Jalandoni. Sumikat ang Lemon Gwapo dahil marami nang mga sabungero ang nagkampeon gamit ang manok na ito. Kabilang na rito ang Sola Brothers na minsan nang itinanghal na kampeon sa Candelaria derby.


Bagama’t isa ang Lemon sa mga unang sumikat na manok sa atin, hanggang ngayon ay marami pa ring mga breeer ang nagtitiwala sa kakayahan nito. Ilan lang sa kanila ay sina Lancey Dela Torre, Dicky Lim, Eddie Boy Ledesma, Atty. Ryan Abrenica at marami pang iba. Bagama’t marami nang mga bagong linyada na nagsipagsulputan ay ‘di pa rin naluluma ang Lemon. Kung hindi magaling ang Lemon, matagal na sana itong nabaon sa limot at hindi na ginagamit bilang panlaban. 

Sponsor

Recent Posts