Thursday, May 18, 2017

Sabong Mula Dekada '60 Hanggang '80

Ernie Santiago
Paminsan-minsan ay masarap din ang makipag-kuwentuhan sa matatanda. Hindi lang dahil marami tayong mapupulot na aral sa kanila kundi malalaman din natin kung ano ang mayroon sa kapanahunan nila. Nakakuwentuhan ng Sabong Ngayon si  Tatay Ernie Santiago hinggil sa sabong mula dekada ’60 hanggang ’80.

Si Tatay Ernie ay pinsan ng pamosong gamefowl breeder na si Charlie Cruz ng Candice Jean Gamefarm. Siya ang nakaimpluwensiya kay Charlie kung bakit ito nagkainteres sa pagmamanok. Si Tatay Ernie ay dating nagtatrabaho sa San Roque Cockpit Arena bilang tagabantay ng mga manggagamot at ng mga taga-himulmol ng manok. Pero nang maibenta ang sabungan ay sumama-sama na lang siya kay Charlie tuwing pupunta ito sa farm para malibang siya. Masaya na kasi siya kapag nakakakita ng manok. Minsan ay pumupunta pa rin naman siya ng sabungan. “‘Di naman ako pumupusta ng malaki, andun lang ako para malibang. Minsan nga kahit wala akong pera, napunta pa rin ako para manood lang,” kuwento niya.

Ayon kay  Tatay Ernie, 1960 pa lang, labing-walong taong gulang pa lang siya noon ay suma-sama na siya sa kanyang ama kapag nagsasabong ito sa Marikina. Mais at palay na ibinababad lang diumano sa tubig ang ipinapakain noon sa manok. Tapos ang ipinampupurga lang ay ampalaya na binudburan ng konting asin saka isusubo sa manok. Kung hindi ampalaya ang ginagamit ay bunga naman ng nganga o ‘yung paboritong nguya-nguyain ng ilang matatanda.

Sabi ni Tatay Ernie, “Wala pang bloodline noong araw. Kapag sinabing Batangas, Balulang ang manok. Kapag galing naman sa Pangasinan- Bolinao. Kapag galing Bicol- Camarines”. Meron din daw manok na tinatawag na Malaking Pulo, pero kinalaunan ay ‘di na rin ito ginamit pa ng mga sabungero kapag naglalaban. Masyado kasing mahina ang ganitong klase ng manok dahil natutulog sa laban.

Kung ilalarawan ang mga labanan, sinabi ni Tatay Ernie na parang ganito na rin sa ngayon. Ang pinagkaiba lang ay mahina ang pustuhan. Pumupusta lang ang mga sabungero noon ng onse o ‘di-kaya’y bente dos pesos. Hindi kagaya ngayon na umaabot pa ng milyunan ang pustahan sa mga bigtime derby.
Dekada ’80, dumating ang Texas sa Pilipinas. Sa pagkakaalam ni Tatay Ernie, isa ang Amerika breeder na si Richard Bates sa mga unang nagdala nito sa Pilipinas. Dito na tumindi ang labanan ng mga manok. Aniya, “Kapag inilaban mo sa pangkaraniwang manok ang Texas, wala na. Sa pupugan pa lang talo na”.  Kabilang daw sa mga sikat na sabungero noon ay si James Chongbian ng South Cotabato. Sa sabungan naman, mangilan-ngilan lang ang sikat na sabungan gaya ng Teresa Garden at Roligon. Hindi kagaya ngayon na napakarami nang sikat na mga sabungan kabilang na ang San Juan Coliseum, Pasay Cockpit, Kapitolyo sa may Pasig at marami pang iba.

Naikuwento ni Tatay Ernie na nakikita pa niya noon si Chongbian sa Teresa na kapag nagkukundisyon ng manok ay pinapakain nila ang manok ng mansanas at pinapainom pa ng gatas. Kung anu-ano ring gamot ang isinasaksak nila. Kumbaga, medyo advance na ang ganito kumpara sa iba na mais at palay ang ipinapakain sa manok. Hindi pa rin uso ang mga kung anu-ano’ng gamot sa manok noong araw. Sa ngayon, malalayung-malayo na ang ganung sistema. Marami ng gamot at mga patuka na mabibili sa merkado. Ang mga sabungero na lang ang bahalang pumili kung ano ang gusto nilang gamitin.

Bilang nakatatanda, ipinapayo ni Tatay Ernie sa mga batang sabungero na may kapital na huwag silang magpakalulong sa sugal. Dahil ito ang magiging dahilan ng kanilang pagbagsak. Aniya, “Marami na akong nakitang sabungero na bumagsak dahil nagpakalulong sa sugal. Kaya maghinay-hinay lang pagdating sa pagpusta. Kapag ‘di mo ito ginawa, walang mangyayaring maganda sa iyo”.








Sponsor

Recent Posts