Sunday, April 2, 2017

Bakit May Manok na Tumatakbo sa Laban?

Naranasan mo na bang matakbuhan ng manok sa laban? Marahil pakiramdam mo ay para kang matutunaw sa kahihiyan ng mga sandaling ‘yun. Nagtatawanan o kinakantiyawan kasi ng mga tao ang manok mo. Anila’y napakaduwag naman ng manok mo, ang galing tamakbo! Pero huwag masyadong pakadibdibin dahil kahit ang mga sikat na breeder, minsan ay natatakbuhan din ng kanilang manok.

Naitanong mo na ba  sa sarili mo kung bakit may mga manok na tumatakbo sa laban? Eh, magaling naman ang manok mo dahil winning line ang pinanggalingan nito.

Ayon sa ilang breeder na aming nakausap, may mga dahilan kung bakit nangyayari ang ganito. Una, baka inilaban mo ang manok nang naglulugon pa. Siyempre, masakit pa ang katawan nito kaya’t ‘di pa siyang handang lumaban. Kaya’t kapag nasaktan ang manok ay mapapatakbo talaga ito. Ikaw ba naman ang ilaban na may iniinda pang sakit sa katawan? Makabubuting patapusin muna ang paglulugon ng manok bago ito ilaban.

Mayroon din naman mga manok na nanalo na nang ilaban natin. Siyempre, kumpiyansa tayo na talagang magaling ito dahil subok na nga. Pero nang ilaban natin ay tumakbo ito. Maaaring tinamaan ang dati nitong sugat noong una siyang lumaban lalo na kung marami siyang naging tama noon. Kumbaga, maaaring malalim pa ang mga sugat nito o masakit pa ang katawan nito tapos mapapalo na naman.  Magandang kapag may nanalo tayong manok ay pagpahingahin muna natin nang husto. Huwag agad muling basta na lang  ilalaban. Antayin muna na makundisyon uli ito para ready to fight uli ika nga. Suhestiyon ng iba, pagpaluguin muna ito nang dalawang beses para siguradong debelop na uli ang katawan ng manok.


Eh, paano naman kung palagi na lang natatakbuhan ng manok? Naku, iba na ‘yan baka ang nakuha mong manok ay may lahing palatakbo.  Papaya na lang siguro ang maaaring ipantapat d’yan, biro pa ng iba…

Sponsor

Recent Posts