Wednesday, February 22, 2017

Online Sabong, Dapat bang Ipatigil ng Gobyerno?


Kamakailan ay napaulat na hiniling ng Liga ng Eksplosibong Pagbabago, Inc. (LEPI) sa Supreme Court na ipatigil ang pagpapatakbo ng online cofighting betting dahil nalulugi diumano ng 350 million pesos ang gobyerno.

Ayon sa LEPI, wala raw kasing malinaw na mekanismo sa pagbubuwis sa online sabong. Ipinapalabas pa nga raw sa sa off-track betting stations na sana ay para sa horse racing lang. Dahil dito ay bumagsak ng 25% ang nakukuhang revenue sa horse racing. Mas tinatangkilik na kasi ng mga mananaya ang online sabong.

 Idinagdag pa ng grupo na idinulog na nila ang kanilang hinaing sa Philippine Racing Commission o Philracom na may hawak sa mga OTB stations. Pero wala namang ginagawang aksyon ang ahensya para itigil ang online sabong.

Bukod sa mga pagpapalabas ng online sabong sa mga OTB stations, hindi rin maikakaila na parang kabuteng nagsipagsulputan na ang mga sabungan na nagsasagawa ng live streaming. Bakit hindi? Eh, dagdag kita rin ito. Kung ‘yun ngang hawak na ng gobyerno ay ‘di pa nari-regulate, paano pa kaya ang mga ito? Marami kasi sa mga nag-u-operate sa mga ito ay walang permit? Di ba’t nakarinig na tayo na may mga sabungan na ni-raid ng NBI o kapulisan?

Matatandaan din na sinabi ni Pangulong Rodrigo Duterte at Gen. Bato Dela Rosa na isusunod nila ang iligal na mga sugal pagkatapos ng kanilang war on drugs. Marami tuloy sa mga sabungero ang nagtatanong kung kasama kaya rito ang online sabong? Huwag naman sana. Alam naman natin na nakatutulong ang live streaming sa mga OFW na maibsan ang kanilang pagka-homesick. Hinay-hinay nga lang sa pagtaya. Bukod dito, marami na ring trabahador sa likod nito. Nariyan na ang mga costumer sales representative, camera man, video editor at iba pa.

Kung ipatigil man ng gobyerno, sana ay ‘yung mga iligal lang na nag-u-operate. Pagkatapos, dapat ay magkaroon ng malinaw na panuntunan ang gobyerno kung paano bubuwisan ng tama ang online sabong. Para makinabang dito nang husto ang estado at hindi ang mga operator lang.


Sponsor

Recent Posts