Sunday, October 23, 2016

Doc Ronnie Magbalon: Astig na Bulik Breeder ng Pinas

                                     
            Kung ang ibang mga sabungero o gamefowl breeder ay tumitingin sa laro ng manok gaya ng angat, may abang, mataas mag-break at iba pa. Si Doc Ronnie "Bulik" Magbalon ng RGM Gamefarm ay mas tinitingnan niya ang talino ng manok. 'Yun bang kaya nitong mag-adjust sa lahat ng klase ng laro ng manok. Ganito ang klase ng charasteristic ng manok na mayroon siya.

            Sino ba naman ang 'di makakakilala kay Doc Ronnie? Eh, nag-champion na siya sa BAKBAKAN noong 2010 kung saan ay naging ka-partner niya ang kanyang kumpare na si Engr. Ralph Daigo. Nakakuha sila rito ng score na 9 wins at 1 draw.

            Napasok sa pagmamanok si Doc Ronnie dahil naimpluwensyahan siya ng kanyang ama na mahilig sa manok. Bago magkaroon ng sariling farm ay naging consultant muna siya sa malalaking farm gaya nina Nene Araneta, Bong Pineda, Boy Gamilla, Chito Reyes, GenGen Arayata at iba pa.

            Ayon kay Doc Ronnie, naging malaking tulong sa kanya ang pagiging consultant sa malalaking breeder. Doon niya natutunan ang sistema ng bloodlines. Ang bawat bloodline diumano ay may kanya-kanyang physical characteristic at fighting style. Aniya, "Alam naman natin 'tong mga bigtime breeder, maraming imported na manok. Ang importante, ano ang linyada na 'to at ano ang palo ng manok na 'to?" Kapag tayo raw ang nagbi-breed, dapat nating tingnan ang palo ng manok. "Hindi tayo nagpapalahi dahil lang sa pangalan ng tao, dapat bigyan natin ng pansin ang palo ng manok. Saka andun dapat ang fighting style na hinahanap natin," punto pa niya.

            Taong 2000 nang pasukin niya ang pagbi-breed ng manok. Sa ngayon, nakatayo ang kanyang farm sa Trece Marteres, Cavite. Binubuo ito ng tatlong ektarya. Nitong breeding season ay nakapagprodyus siya ng isang libong stags.

            Nakilala si Doc Ronnie dahil sa kanyang Bulik. Nanggaling ito kay GenGen Arayata na naging BAKBAKAN champion noong 2006 at naging back-to-back champion din sa World Slasher Cup noong 2007-2008. Dinebelop na lang niya ang Bulik na kanyang nakuha at ito  nga ang nagbigay ng pagkilala sa kanya sa  larangan ng sabong. Aniya, "Binigyan niya ako ng Bulik na broodstock. Then, kinabitan ko ng iba-ibang lines. Mayroong lumabas na linyada na gustung-gusto ko ang palo. 'Yun ang ininfuse ko sa Bulik na nagbigay sa akin ng magandang pangalan." Ang tinutukoy niyang linyada ay ang Griffin Claret ni Ray Alexander. ito diumano ang dahilan kung bakit gumaling ang kanyang Bulik.

            Ang Bulik-Claret na locked sa brother-sister mating ay hinaluan niya ng Gull, Kelso, Oakgroove, Leifer at Sheryl Penny. Ang mga anak nito ang kanyang inilaban sa BAKBAKAN kung saan siya nag-champion.

            Nang tanungin si Doc Ronnie kung bakit sa dami ng kulay ng manok ay Bulik ang nagustuhan niya? Sinabi niyang bata pa lang siya ay mahilig na talaga siya sa Bulik. Nagkataon lang na nabigyan siya ng Bulik mula sa isang sikat na breeder. "Ang Bulik, matalino siyang sumabong saka maraming style ng laro. Kaya niyang lumaro o mag-adjust sa lahat ng klase ng laro ng kalaban. Samantalang ang Claret, may speed, cutting saka flight kaya't naging maganda ang kumbinasyon nito sa Bulik," isplika niya.

            Gaya nga nang nabanggit na, ang hinahanap ni Doc Ronnie sa manok ay matalinong sumabong. Kung ang iba, may partikular na tinutukoy na laro na manok, siya wala na. Kapag magaling daw kasi ang manok mo at magaling ang paa, sa talim ng tari ay 'di na kailangan pa ng maraming palo.

            Marami nang nakuhang kampeonato si Doc Ronnie gamit ang kanyang Bulik. Simula noong 2009 ay naging maganda na ang kanyang record sa sabong. Noong magkampeon siya sa BAKBAKAN ay dalawa ang kanyang naging entry. Ang isang entry ay nag-runner up. Nasundan ang pagiging runner niya sa BAKBAKAN noong 2011. Pagkatapos ay nag-champion naman siya sa Bullang-Bullang noong 2012. Samantalang noong 2014 ay naging runner up uli siya sa BAKBAKAN. Masaya rin siya dahil marami ng mga sabungero at breeders ang nagtitiwala sa kanyang linyada at nababalitaan niya na nagpapanalo sila o 'di-kaya'y maganda ang score.

            Wala nang ibang hinihiling si Doc Ronnie kundi sana ay maulit ang kanyang pagkakapanalo sa BAKBAKAN. At sana ay suwertehin din siya na manalo sa World Slasher Cup. Alam naman daw natin na marami nang magagaling magpalahi ngayon kaya't 'di siya nakasisiguro. Pero ganun pa man, hangad niya pa ring mangibabaw sa naturang malalaking pasabong sa bansa.

            Sinabi ni Doc Ronnie na dahil sa pagkakapanalo niya sa BAKBAKAN, naging tulay ito para makatulong siya sa mga backyard breeder sa pamamagitan ng mga seminar na kanyang isinasagawa tungkol sa tamang sistema nang pagpapalahi. Kasama na rin ang pagbabahagi niya ng kanyang linyada kapag mayroong mga gamefowl expo. "Alam naman natin na magastos ang pagpapalahi ng manok, pero kung may sistemang sinusundan, maaaring maging successful ang  pagpapalahi," banggit pa niya.

            Pagdating sa pagpili ng patuka sa manok, bilang beterinaryo ay talagang metikuloso si Doc Ronnie. Kailangan mo muna raw subukan ang isang produkto kung maganda ba ang epekto nito sa manok mula sisiw hanggang sa stag o cock. Kung naging maganda ang epekto sa kalusugan ng manok, nakita mo na maganda ang tayo at katawan nila dapat doon ka na. "Para sa akin, maganda ang produkto ng Warhawk Gamefowl Feeds. Nakikita n'yo naman ang performance ng mga manok ko kasama na rin ang pullets. So, magandang mag-debelop ang Warhawk ng katawan, height at maging ng hitsura nila," patotoo niya.

            Sa mga gustong magmanok, "Gumamit na rin kayo ng Warhawk para mas lalong makatutulong sa inyo". At sa mga gusto namang mag-champion, "Ang pagcha-champion ay maraming proseso. Para sa akin, kapag healthy at maganda ang laki ng manok mo tapos magagaling ang bloodline mo, malapit ka sa pagiging champion!"

Maaaring kontakin si Doc Ronnie sa numerong 0917- 350- 9628.






Sponsor

Recent Posts